140 farmer-suppliers sa buong Region 1 nakinabang sa LGU relief operations ng mga produktong agrikultura; P42.5 milyon, naipamahaging tulong
LA UNION – Aabot sa P42.5 milyong halaga ng tulong ang naipagkaloob sa mga magsasaka at mangingisda sa buong Ilocos Region sa kalagitnaan ng Covid-19 pandemic.
Ito ay sa pamamagitan ng direktang pagbili ng mga Lokal na Pamahalaan ng sari-saring agri-fishery products upang patuloy pa rin ang kita ng mga ito sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine.
Umaabot sa P3.8 milyong halaga ng mga produktong pang-agrikultura ang binili sa mga magsasaka at mangingisda sa probinsiya ng La Union, P9.8 milyon sa Ilocos Sur, P17.2 milyon sa Ilocos Norte, at P11.8 milyon sa Pangasinan, na siyang ipinamahaging tulong o relief goods sa mga pamilyang apektado ng pandemic.
Sa pinakahuling talaan na isinumite ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng DA-RFO 1, may kabuuang 140 na farmer-suppliers mula sa apat na lalawigan sa buong rehiyon ang nakinabang sa nasabing programa kung saan 22 mula sa La Union; 25 mula sa Ilocos Sur; 15 mula sa Ilocos Norte; at 78 mula naman sa probinsiya ng Pangasinan.
Sa lalawigan ng La Union, ang mga bayan ng Agoo, Balaoan, Bauang, Bangar, Luna, Sto. Tomas, Sudipen, at lungsod ng San Fernando ang mga naitalang direktang bumili sa mga produkto mula sa mga magsasaka nito tulad ng bigas, mais, munggo, kamote, kalabasa, at iba.
Mga produkto namang tilapya, bangus, karne ng baboy, bigas, at iba’t ibang klase ng gulay ang binili ng mga bayan ng Cabugao, Caoayan, Narvacan, San Emilio, Santiago, Sinait, at Sta. Lucia at mga lungsod ng Candon at Vigan sa Ilocos Sur.
Pitong bayan din mula sa Ilocos Norte na kinabibilangan ng Bacarra, Badoc, Currimao, Dingras, Marcos, Piddig at Vintar, at ang lungsod ng Laoag, ang tumulong sa kanilang magsasaka at mangingisda na may produktong bigas, bangus, mga prutas at gulay.
Sa probinsya ng Pangasinan ay malaking tulong ang mga bayan ng Balungao, Rosales, Sual, at Umingan at ang lungsod ng Alaminos sa kabuhayan ng kanilang mga nasasakupan.
Samantala, patuloy naman ang programa ng DA na “Kadiwa ni Ani at Kita” kung saan patuloy na tinutulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mailapit ang kanilang mga produkto sa mga tao sa gitna ng pandemya at naibebenta ang mga ito sa abot-kayang halaga.#
-RAFIS Ilocos Region FB Account