

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang inspeksyon sa bagong rehabilitadong P600-milyong Sual Fish Port at ang opisyal na paglulunsad ng programang “P20 Bigas Meron Na” sa bayan ng Sual, Pangasinan noong Hulyo 30.
Sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), sumailalim sa malawakang modernisasyon ang nasabing pasilidad na natapos noong Hulyo 20 upang mapataas ang kapasidad at lebel ng serbisyo nito sa rehiyon.
Kabilang sa mga naipatayo at naisayos sa pasilidad ang cold storage, fish processing facility, market hall, expanded pier, commercial building, admin building, water tank, stair landing, sorting area, at food stalls.
Kasabay ng inspeksyon sa fish port, pormal ding inilunsad ang “P20 Bigas Meron Na” kung saan humigit-kumulang 5,000 kilo ng murang bigas ang naibenta sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa bayan.
Kabilang sa mga nakabili ng P20 kada kilong bigas ang mga mamamayang kabilang sa Persons with Disabilities (PWD), solo parents, magsasaka, mangingisda, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, at mga kasapi ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA).
“Ang ‘Benteng Bigas Meron Na’ program na iniutos sa atin ng Pangulo ay itinutuloy at ini-expand pa natin. Tuloy-tuloy ito hanggang 2028,” pahayag ni Kalihim Laurel.
Binigyang-diin ng kalihim na ang mga ipinamamahaging bigas sa ilalim ng programa ay nanggagaling mismo sa mga lokal na magsasakang Pilipino—isang hakbang upang suportahan ang lokal na sektor ng agrikultura habang pinabababa ang gastusin sa pagkain ng mga pamilya sa buong bansa.