DA- AMIA nagsagawa ng Capability-Building Training on Farm Mechanization and Equipment Handling para sa benepisyaryo sa Ilocos Sur

‎Matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture – Adaptiation and Mitigation Initiative in Agriculture Program ang Capability-Building Training on Farm Mechanization and Equipment Handling noong Hulyo 22–23, 2026 sa West Loch Park Hotel, Sto. Domingo, Ilocos Sur.

‎Layunin ng dalawang araw na pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa wastong paggamit, pangangalaga, at ligtas na operasyon ng mga makinarya at kagamitang pang-agrikultura upang mapataas ang produktibidad sa pagsasaka.

‎Sa unang araw ng programa, tinalakay ni Engr. Frank Ryo Posagao, Engineer II ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ang mga paksang Farm Mechanization, Mga Uri at Gamit ng Farm Machinery and Equipment, Occupational Health and Farm Safety, at Land Preparation. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mekanisasyon sa pagsasaka bilang susi sa mas mabilis at ligtas na produksyon sa sektor ng agrikultura.

‎Samantala, ibinahagi naman ni Engr. Franster Urbano, Engineer II ng RAED, ang paksang Basic Engine Principles and Troubleshooting Maintenance, kung saan itinuro niya ang tamang pangangalaga, pagpapanatili, at pagsasaayos ng mga makinang pang-agrikultura upang mapanatili ang maayos na kondisyon at mahabang serbisyo ng mga ito.

‎Nagbigay rin ng mensahe ng suporta si Agriculturist II Mark Joseph Rala bilang kinatawan ni APCO Ilocos Sur Jomar Dayap. Hinikayat niya ang mga kalahok na lubos na pakinabangan ang pagsasanay at gamitin ang mga natutunang kaalaman upang higit pang mapaunlad ang kanilang mga gawain sa agrikultura.

‎Sa ikalawang araw, isinagawa ang hands-on operation ng farm machinery sa Ilocos Sur Research Center, kung saan aktuwal na isinagawa ng mga kalahok ang wastong paggamit at pagpapatakbo ng tractor at cultibator or walking type agricultural tractor na makinaryang pang-agrikultura. Nakiisa sa gawaing ito ang AMIA benepisyaryo na kinatawan mula sa mga bayan ng San Emilio, Lidlidda, at Alilem, na aktibong lumahok sa mga demonstrasyon at praktikal na pagsasanay.

‎Ang matagumpay na pagsasagawa ng pagsasanay ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Department of Agriculture – AMIA na palakasin ang kakayahan ng mga Association Operators sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at ligtas na pamamaraan sa pagsasaka tungo sa mas masagana at produktibong sektor ng agrikultura sa Ilocos Sur.

https://www.facebook.com/DAIlocosRegion/posts/pfbid0bho5mKpjhmKQaMh6wYCwP8qHJHRR5KACc1zf4vV3Fy4HrsyqDe3PZoEvo3EXhk84l