Pinagtibay ng Department of Agriculture – Regional Field Office I (DA-RFO I), sa pamamagitan ng Local Farmer Technician (LFT) Workshop, ang pakikipagtuwang nito sa mga Local Farmer Technicians (LFTs) at Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa mga lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur upang higit pang mapalakas ang paghahatid ng makabagong teknolohiyang pang-agrikultura at mga serbisyong pang-ekstensyon sa mga magsasaka. Idinaos ang aktibidad noong Hunyo 29, 2026 sa San Ildefonso, Ilocos Sur, habang nakatakda rin ang hiwalay na workshop para sa mga kalahok mula sa La Union at Pangasinan.
Pinangunahan ni Rice Program Regional Focal Person Ms. Leah Coloma, ang workshop ay nagsilbing pagkakataon upang talakayin ang mga naging tagumpay ng programa, magbahaginan ng pinakamahuhusay na pamamaraan, at higit pang pagtibayin ang ugnayan ng DA at ng mga katuwang nitong farmer-extension partners sa pagpapaabot ng mga teknolohiya at programa sa mga pamayanang pansakahan.
Isa sa mga tampok ng workshop ang presentasyon ng mga resulta ng Participatory Technology Demonstration (PTD), kung saan ibinahagi ng mga LFT ang naging kinalabasan ng mga isinagawang technology demonstrations sa aktwal na bukirin. Ipinakita sa mga resulta ang epekto ng mga makabagong teknolohiya sa pagpapataas ng ani, pagpapababa ng gastos sa produksyon, at pagpapataas ng kita ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga ipinakitang teknolohiya, ang treatment na gumagamit ng 100% recommended fertilizer rate na may kasamang foliar fertilizer application ang nagtala ng pinakamataas na ani na 7.30 metriko tonelada kada ektarya, gayundin ng pinakamataas na netong kita at return on investment sa mga sinuring treatment. Patunay ito sa kahalagahan ng pagsubok at pagpapatunay ng mga teknolohiya sa aktwal na kondisyon ng bukirin bago ito irekomenda sa mas marami pang magsasaka.
Kasama rin sa workshop ang pagbalangkas at pagpipino ng Memorandum of Agreement (MOA) na magsisilbing gabay sa pagpapatibay ng ugnayan ng DA at ng mga Local Farmer Technicians sa pagpapatupad ng LFT Program. Nilalayon nitong malinaw na tukuyin ang kani-kanilang tungkulin at responsibilidad sa pagsusulong ng farmer-to-farmer extension, technology demonstrations, at mas epektibong paghahatid ng mga programang pang-agrikultura sa antas ng komunidad.
Tinalakay rin sa workshop ang mga pinakahuling update kaugnay ng performance incentives ng mga Local Farmer Technicians. Ibinahagi na ang usapin ay nananatiling sumasailalim sa maingat na pagsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon sa auditing at patuloy ang pagtalakay sa mga kinakaialangang hakbang upang maipagpatuloy ang pamamahagi ng nasabing incentibo . Binigyang-diin ng mga kalahok na ang naturang insentibo ay pagkilala sa kanilang mga karagdagang tungkulin sa pagsasagawa ng technology demonstrations, Farmer Field Schools, pest at disease monitoring, pangangalap ng datos, pagmomonitor ng presyo ng mga produktong agrikultural, at pagsuporta sa pagpapatupad ng iba’t ibang banner programs at espesyal na proyekto ng DA.
Sa kabila ng limitadong bilang ng mga Agricultural Extension Workers kumpara sa dumaraming bilang ng mga magsasaka, patuloy na pinalalakas ng DA-RFO I ang Local Farmer Technician Program bilang isang mabisang farmer-to-farmer extension strategy. Bilang mga katuwang ng Department sa komunidad, mahalaga ang papel ng mga LFT sa pagpapalaganap ng makabagong teknolohiya, pagbibigay ng teknikal na kaalaman, at paghahatid ng mga programa ng pamahalaan sa mga magsasaka, tungo sa mas mataas na produksyon, mas matatag na kabuhayan, at mas ligtas na suplay ng pagkain.
Sa pagtatapos ng workshop, muling ipinahayag ng mga kalahok ang kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa Department of Agriculture sa pagsusulong ng isang mas produktibo, matatag, at napapanatiling sektor ng agrikultura sa Rehiyon I.




