




Bilang paghahanda sa nalalapit na cropping season na ngayong buwan ng Abril, ang Department of Agriculture sa Ilocos sa ilalim ng Rice Banner Program ay nagsagawa ng technical briefing sa mga magsasakang taga Ilocos Norte noong March 26, 2026 sa Ilocos Norte Research and Experiment Center (INREC) sa Batac City, Ilocos Norte.
Dinaluhan ng halos 60 magsasaka mula sa ibat ibang bayan ng Ilocos Norte, layunin ng technical briefing na maipaalam sa mga magsasaka ang mga alternatibo at mga dagdag patabang gagamitin na makakatulong upang mai-angat ang produksyon ng mga magsasakang Ilokano.
Walong bio-fertilizer companies, soil ameliorants at foliar fertilizers ang nagpresenta ng kani kanilang mga produkto na nagmula sa Agrispecialist, JVC Worldwide, ADA Manufacturing, JJEA agriventures, Society Agri-Ventures, Humi-N at Folimac.
Sa nasabing technical brieifing, isa-isang binigyang-diin ang pakinabang sa paggamit ng kanilang mga produkto hindi lamang upang maiangat ang ani kundi makakatulong na mabawasan ang presyo ng mga gagamiting inputs na nagdudulot ng malaking epekto sa agrikultura bunsod ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado.
Kasama si INREC Chief, Mr. Medardo Pablo at Rice staff Ms. Hannah Jimenez, naipaabot sa mga magsasaka ang patuloy na pagsusumikap ng DA na matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka sa kanilang pagsasaka lalo na sa pagtugon ng kanilang pangangailangan sa mga pataba na makakatulong sa kanilang sakahan. ###