





Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado dala ng lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan, ang Department of Agriculture sa Ilocos ay inihahanda ang mga magsasakang Ilokano sa susunod na taniman ng palay dulot ng pagpalo ng presyo ng mga abonong gagamitin.
Sa isinagawang Technical Briefing noong March 25, 2026 sa paggamit ng mga iba’t ibang pangdagdag pataba na gaya ng bio fertilizer, soil ameliorant at liquid fertilizer sa 3rd Floor Balikbayan Hall Sports and Cultural Center ng Urdaneta City, Pangasinan, nagsama sama ang pitong (7) kumpanya ng mga bio at liquid fertilizers upang magbigay ng impormasyon tungkol sa kanilang mga produkto upang matutunan ng mga magsasaka ng Pangasinan ang paggamit at malaman ang mga benepisyo sa paggamit ng mga naturang agricultural inputs.
Sa mensaheng ipinaabot ni Ms. Leah Coloma, Focal Person ng Rice Banner Program sa Ilocos, nabanggit nito ang layunin ng proyekto na ipaintindi sa mga magsasaka ang kahalagahan ng paggamit ng mga bio at liquid fertilizers sa pagtatanim gayundin na maibsan ang paggamit ng inorganikong pataba. Ani nito, bagamat nagkaroon ng early procurement ng pataba ang DA, pinanganagmbahang magkakaroon ng delay sa pagbili ng gobyerno ng mga patabang ibibigay sa mga magsasaka dulot ng failure of bidding dahil sa kawalan ng supplier na nakipag bid sa naturang produkto dulot ng pagtaas ng presyo nito sa merkado dahil sa kasalukuyang krisis sa Middles East.
Hinikayat din ni Ms. Coloma ang mga magsasakang lider na nakadalo sa brieifing na ibahagi sa kanilang mga nasasakupang magsasaka ang kanilang matututunan upang sila man ay makikinabang sa paggamit ng mga bio at liquid fertilizers na ibinahagi ng mga kumpanyang kalahok.
Kasama sa mga kumpanya ng pataba na nagbahagi ng tungkol sa kanilang mga produkto ay ang Agrispecialist, JVC Worldwide, ADA Manufacturing, JJEA agriventures, Society Agri-Ventures, Humi-N at Folimac na tinunghayan ng aabot sa mahigit isang daang magsasaka ng Pangasinan.###