







Naging matagumpay ang pagdaraos ng Usapang Budget Natin (UBN) sa Bacnotan Public Market noong Pebrero 13, 2026, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa pambansang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, iba’t ibang sektor, at media upang talakayin ang mahahalagang probisyon ng FY 2026 National Budget.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Budget and Management (DBM), Presidential Communications Office (PCO), at Philippine Information Agency (PIA), bilang bahagi ng malawakang kampanya upang maipaliwanag sa publiko ang nilalaman ng FY 2026 General Appropriations Act (GAA), na nilagdaan noong Enero 5, 2026, na may kabuuang halagang ₱6.793 trilyon.
Kumatawan sa Department of Agriculture (DA) si Undersecretary for Finance Nora Oliveros sa ngalan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. upang ipahayag ang patuloy na pangako ng Kagawaran sa pagsusulong ng kapakanan ng mga magsasaka at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.
Sa bahagi ng open forum, nagtanong ang mga magsasaka hinggil sa pondong inilaan para sa African Swine Fever (ASF) assistance para sa mga apektadong hog raisers at sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA). Ipinaliwanag ni Usec. Oliveros na ang mga pondong ito ay nakapaloob sa kabuuang badyet na inilaan para sa sektor ng agrikultura at inaprubahan sa ilalim ng GAA.
Binigyang-linaw niya na ang alokasyon para sa mga programang tulad ng ASF indemnification at RFFA ay nakabatay sa pondong aktuwal na inaprubahan at magagamit ng Kagawaran. Dahil limitado ang pondo at marami ang prayoridad na programa, kinakailangang maingat ang pagpaplano at pamamahagi upang masiguro ang pinakamalawak na saklaw ng benepisyaryo sa abot ng kakayahan ng badyet.
Binigyang-diin din na ang pamamahagi ng ayuda ay nakabatay sa umiiral na mga patakaran, validated data, at wastong listahan ng mga rehistradong magsasaka upang matiyak ang patas, maayos, at transparent na implementasyon ng mga programa.
Ang Usapang Budget Natin ay nagsilbing mahalagang plataporma para sa bukas na dayalogo sa pagitan ng pamahalaan at ng mamamayan, na naglalayong palakasin ang tiwala ng publiko at ipakita kung paano naisasalin ang pambansang badyet sa mga konkretong programang sumusuporta sa seguridad sa pagkain at sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura.