


Sa pagsusulong na palaganapin ang RA 11321 o ang Sagip Saka Act upang mas mai-angat ang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyong Ilocos, pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office I ang isang information campaign na ginanap nuong nakaraang araw, January 21,2026 sa San Fernando City, La Union.
Pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division, layunin ng information campaign na maipalaganap ang tungkol sa probisyon ng Sagip Saka para sa mas malawakang pagpapatupad ng mga alituntunin ng nasabing batas at matulungan ang DA na mai-angat ang sektor ng pagsasaka sa pagbuo ng mga programa at proyektong naaayon sa paglago ng negosyo para sa mga grupo at kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Sa ilalim ng Sagip Saka Act, matututong magnegosyo ang mga grupo ng mga magsasaka dahil mismong gobyerno at lokal na pamahalaan ang direktang bibili sa kanilang mga produkto sa mas madaling paraan at proseso.
Sa kanyang mensahe sa pagsisimula ng programa, binigyang-diin ni Ms. Irene Tactac, bagong-talagang Chief ng AMAD ang limang salik ng naturang batas na saklaw ang pagbuo ng mga negosyo ng mga grupo ng magsasaka upang mai-angat ang kanilang kita, magkaroon ng market access, tulong sa puhunan at teknikal gayundin ang pagkakasundo ng pribado at pampublikong sector.
Sa pagpapatupad ng Tax Incentive at Exemption na probisyon ng Sagip Saka, nakasama sa information campaign ang mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kasama ang Regional Director ng Department of Budget and Management (DBM) sa Ilocos, Dir. Ria Bansigan na nagpaliwanag tungkol sa GPPB Resolution No. 18-2028 o ang Guidelines for the Procurement of the Agricultural and Fishery Products sa ilalim ng Sagip Saka Act.
Maliban sa pagpapaliwanag sa mga benepisyo ng naturang batas sa mga magsasaka sa pamamagitan ng BIR at DBM, binigyang linaw din ni Mr. Van Ian Enriquez, Sr. ang mga programang ipinapatupad ng Cooperative Development Authority (CDA) ang mga papel na ginagampanan ng ahensia upang mas magiging malakas ang mga grupo ng magsasaka at kooperatiba habang ipinaliwanag din ni Ms. Loida Pacursa, Interim Chief ng Agricultural Cooperative Enterprises Development Service ng DA-RFO I ang mga programang makakatulong upang mas mapalakas ang mga asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Samantala, sa lahat ng mga asosasyon o kooperatiba ng mga magsasaka na nagbabalak na makipagnegosyo sa kani-kanilang mga lokal na gobierno kasama ang mga ibat-ibang ahensiya sa kanilang lugar, tiyakin na ang inyong grupo ay rehistrado at accredited sa mga DA systems na gaya ng RSBSA, FFEDIS, FishR atbp. gayundin ang pagkakaroon ng katiyakan na makapagdeliver ng mga inaasahang produkto na naayon sa pangangailangang bilang at technical requirements.
Para sa karagdagang impormasyon, maaring sumangguni sa pinakamalapit na opisina ng Municipal at Provincial Agricultures Office sa inyong lugar. Upang magabayan din ang mga Bids and Awards Committee (BAC) sa bawat ahensiya at local na pamahalaan sa rehiyon, plano rin ng DA-AMAD na magsagawa ng kagayang information campaign sa mga miyembro at opisales ng BAC para sa kanilang dagdag kaalaman para sa pagpapatupad ng mga alituntunin ng Sagip-Saka.
Ang Sagip Saka ay naisabatas ni Senador Francisco Pangilinan noong 2019 na tumutugon hindi lamang sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisdang Pilipino na mapataas ang kita at produksyon kundi matulungan ang mga konsyumer na mabigyan ng abot-kaya at masustansiyang pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino.